Nagsumite ng mga dokumento sa NCRPO ang kampo ng unang may-ari ng van na ginamit ng kidnapping suspects na napatay sa shootout sa SLEX nitong June 3.
Lumalabas na dalawang beses pang naibenta ang sasakyan mula sa unang may-ari.
Samantala, dismayado naman si NCRPO chief Lt. Gen. Danao sa paggamit ng mga sindikato sa uniporme ng mga pulis para gumawa ng krimen.
Lumabas kasi sa imbestigasyon ng NCRPO sa shootout na ang mga suspek ay gumagamit ng mga uniporme at gamit ng pulis.
Napakaluwag daw kasi ng bentahan ng mga uniporme at hindi ito ma-regulate ng PNP. Gayunpaman maging paalala raw sana sa mga negosyante ng mga uniporme ng sundalo at pulis ang insidente sa SLEX.
"Maraming nagbebenta anywhere so siguro that is one way to remind these people especially those ’yung mga seller na mag-strikto sa pagbebenta ng mga uniporme," ani Danao.
At dahil lumabas din sa paunang imbestigasyon ng PNP na mga dating security guard ang dalawang napatay sa SLEX, inaalam na rin nila kung sino ang lider ng sindikato at kung may mga totoong pulis at sundalo sa kanilang grupo.
Kung sakali man daw na may mga unipormado sa grupo, hindi raw sila magdadalawang-isip na ipatupad ang batas laban sa kanila at baka mauwi pa ito sa engkwentro.
"Sana lang walang maiinvolve na any member of the Philippine National Police or any other law enforcement agency. Why? Kasi hindi ako magdadalawang-isip na iimplement ’yung batas against sa kanila," ani Danao.
Nag-aalala ang unang may-ari ng van na matapos itong ibenta ay baka hindi pa napalitan sa registration nito ang pangalan ng may-ari at madamay pa sila sa imbestigasyon.
Ayon sa abogado ng dating may-ari na si Atty. Gabriel Ablola, ibinenta ang van ng unang may-ari sa isang car dealer at ang car dealer na ito ay naibenta agad ang van sa kapwa car dealer at naibenta rin agad ito sa isa umanong direct buyer.
"Naisip nu'ng client namin na baka sila ang puntahan ng investigating officer ng NCRPO dahil makikita sa LTO na sila ang tamang owner," ani Ablola.
Tumangging magbigay ng pahayag sa ABS-CBN News ang ikalawang car dealer na siya sanang susi para matukoy kung kanino niya naibenta ang van bago ito nagamit sa krimen.
Patuloy ang imbestigasyon ng PNP para matukoy ang lider ng mga sindikato habang tinutugis na rin nila ang mga kasabwat ng dalawang napatay na suspek.
Hanggang ngayon ay wala pang kaanak na dumarating para kunin ang mga bangkay ng dalawang suspek.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Van, SLEX, Kidnapping, NCRPO, Uniporme, Car Dealer, Tagalog news, TV Patrol, Wheng Hidalgo