'Wala munang videoke': Ilang restobars naghahanda na para sa modified GCQ

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 07:37 PM

MAYNILA - Araw dapat ang gimik, pero tahimik sa isang restaurant bar sa Quezon City dahil pa rin sa umiiral na general community quarantine sa gitna ng patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang may-ari ng bar na si Ram Ngayaan, umaasang tuluyang makababalik sa negosyo kapag pinayagan na ang dine-in sa ilalim ng modified GCQ.

Sakaling mangyari ito, 11 na lang ang maaaring makapasok sa loob ng bar: lima sa mismong bar at anim sa mga indbidwal na mesa.

Iingatan din nila ang mga staff.

“Sa staff pa lang of course they have to wear their face mask, face shield , disinfectants, and once mag-open ang bars we will observe [physical] distancing,” ani Ngayaan.

Ngayon, ihaw-ihaw na pang-take out muna ang pinagkakaabalahan ng restobar para mairaos ang lockdown.

At kapag lalo pang pinaluwag ang lockdown sa ilalim ng MGCQ, wala nang videoke na isa sa dinarayo sa bar.

Pero hiling ni Ngayaan, pahabain ang kanilang operating hours para mas marami ang maseserbisyuhan.

Umaasa rin ang mga staff ng bar na magtutuloy-tuloy ang pagbuti ng sitwasyon para tuloy-tuloy ang kanilang trabaho.

“Depressed ka din kasi halos wala kayong makain sir eh iaasa lang sa sahod, so ngayon sa sobrang pasalamat kami nagsisimula nang makabalik kahit paano,” ayon kay Marlon Loplop, staff ng bar.

— Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.