P2 milyong halaga ng pekeng sigarilyo nakumpiska sa Pagadian City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 05:22 PM | Updated as of Jun 05 2020 06:12 PM

Kahon-kahon ng mga pekeng sigarilyo ang nakumpiska ng awtoridad sa isang bahay sa Pagadian City, Zamboanga del Sur. Larawan mula sa Pagadian Police Station


Higit P2 milyong halaga ng pekeng sigarilyo ang nakumpiska ng awtoridad sa isang bahay sa Pagadian City, Zamboanga del Sur, Huwebes ng gabi.

Ayon kay Police Lt. Col. Alvin Saguban, hepe ng Pagadian Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga force multiplier na may mga kahina-hinalang tao at sasakyan na labas-pasok sa isang bahay sa Barangay Balangasan.

Agad namang pinuntahan ng mga pulis ang nasabing bahay at matiyagang nagmatyag nang ilang oras pero hindi na rin bumalik ang mga nasabing kahina-hinalang tao.

“Itong lugar na ito ay natunton natin sa pamamagitan ng impormasyon na ibinigay ng ating mga force multiplier na mayroon nga daw suspicious persons dito sa lugar at yung sasakyan nila ay walang plate number. So pinaimbestigahan natin, pinatingnan ko sa ating mga imbestigador at mayroon nga tayong nakitang mga sigarilyo malapit sa gate,” sabi ni Saguban.

Nakipag-ugnayan din ang pulisya sa Bureau of Internal Revenue na siya namang kumuha ng mission order sa Bureau of Customs (BOC).

Umabot sa 67 na kahon na naglalaman ng assorted na pekeng sigarilyo ang nasabat sa loob ng bahay na nagkakahalaga ng higit P2 milyon.

Ayon kay Saguban, posibleng nagmula ito sa mga bodegang unang sinalakay ng National Bureau of Investigation at BOC noong nakaraang linggo sa Pagadian City.

Posible umanong nakatunog ang sindikato sa raid na isinagawa ng NBI at BOC, kaya nailabas pa nila ang ilang kontrabando at itinago sa bahay.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang may-ari ng bahay at ang nangungupahan dito.

Umabot sa higit P100 milyong halaga ng mga pekeng sigarilyo at pekeng documentary stamps ang nasabat ng NBI at BOC sa magkasunod na raid na kanilang ginawa sa Dinas at Pagadian City noong nakaraang linggo.

Pero wala silang naabutan sa mga bodega kung saan ginagawa ang mga pekeng sigarilyo.

Noong May 20, naaresto ng mga pulis ang isang Chinese national sa Pagadian City matapos mahulihan ng halos P100,000 halaga ng pekeng sigarilyo.

Nasampahan na siya ng kaso pero nakapagbayad ng piyansa sa halagang P80,000.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon kung may kinalaman ang ilang Chinese national sa operasyon ng pabrika ng pekeng sigarilyo sa Zamboanga del Sur.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.