May agimat daw? Lacson ipinagtataka ang 'special treatment' kay Duque

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 02:57 PM | Updated as of Jun 05 2020 10:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Palaisipan para kay Sen. Panfilo "Ping" Lacson ang aniya'y tila "special treatment" na tinatamasa ni Health Secretary Francisco Duque III at nananatili ito sa puwesto sa kabila ng "pattern of failure" nito.

Aniya, nais niya umanong malaman kung anong agimat o anting-anting ang gamit nito.

"Many of us are starting to wonder what 'amulet' DOH Secretary Francisco Duque III has to deserve such a special treatment," ani Lacson sa isang pahayag nitong Biyernes.

Noong Huwebes sa isang meeting kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, isinisi ni Duque sa kaniyang mga "makukupad" na staff ang kabiguang maipamahagi ang ayuda para sa mga health workers na nagkasakit o namatay dahil COVID-19.

Sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Law, ang pamilya ng namatay na health worker dahil sa coronavirus ay tatanggap ng P1 milyon, habang ang tinamaan naman ng malubha ng parehong sakit ay dapat mabigyan ng P100,000.

"Nakakahiya talaga sir eh. Namatayan na nga tapos nagpaka warde-warde 'yung mga tao ko na parang walang sense of urgency... Iyon ang talagang ang sama-sama po ng loob ko, Mr. President," sabi ni Duque sa Pangulo.

Inere ang naturang pulong nitong Biyernes ng umaga.

Nag-tweet naman si Duque at nilinaw na responsable pa rin siya sa mga nangyayari.

Giit ni Lacson, sa kabila umano ng "pattern of failure" o sunod-sunod na kapalpakan ni Duque ay hindi pa rin ito inaalis sa gabinete ni Duterte.

"[I]t is kind of boring to see Sec. Duque pointing fingers at his subordinates and other people for his pattern of failures in running the DOH - and getting away with it each time," anang senador.

Noong Huwebes, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sumirit ang galit ni Duterte nang malamang wala pang ayuda ang mga health workers na nagka-COVID-19, dahilan para itakda ang ultimatum dito sa Hunyo 9.

Huling hirit ni Lacson kay Duque: "Just go."

Hindi ito ang unang pagkakataon na binatikos ni Lacson si Duque.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.