Mambabatas sa DTI: I-regulate ang presyuhan ng mga bisikleta

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 03:54 PM | Updated as of Jun 05 2020 04:07 PM

MAYNILA — Upang maproteksyunan ang mga nagbibisikletang Pinoy mula sa mga mapagsamantalang negosyante, hinimok ng isang kongresista ang pamahalaan na i-regulate na ang presyo ng bentahan nito.

Hinimok ni Quezon City Rep. Precious Castelo ang Department of Trade and Industry (DTI) na i-regulate na ang presyo ng mga bisikleta at pati maliliit na motorsiklo na sikat ngayon dahil sa limitadong public transportation bunsod ng pandemya.

"[T]he government, through the DTI, should intervene to protect the public. The DTI should regulate prices of bicycles and small motorbikes and their parts," ani Castelo.

Dapat na rin aniyang tingnan ng DTI kung may senyales na ng hoarding at price manipulation.

Hinimok din niya ang mga employer, bangko, DTI, at iba pang ahensiya ng gobyerno na mag-alok ng loans para sa mga Pinoy na nais makabili ng sarili nilang bisikleta o small motorcycles dahil ang paggamit ng mga ito ay magandang "new normal."

"Biking to the office or the workplace and to the store should be the post-COVID-19 new normal. It will ease traffic congestion and lessen pollution. It will also promote one's physical health and well being because it is a form of exercise."

Maglagay din aniya ng shower facilities para sa mga empleyado na nagbibisikleta at parking areas para dito.

Nauna nang nakiusap ang DTI sa mga nagbebenta ng bisikleta na huwag samantalahin ang lockdown para taasan ang presyo ng mga naturang produkto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.