Lalaking 'lasing' na humihingi ng ayuda, sampal, sapak ang inabot sa bgy. chairman

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 03:16 PM | Updated as of Jun 08 2020 09:31 PM

TARLAC CITY — Mga suntok at sampal umano ang inabot ng isang residente dito nang komprontahin siya ng barangay chairman noong Martes dahil sa umano'y pagwawala dahil sa kalasingan. 

Ayon sa salaysay ng biktimang si alyas "Rene," nagsisigaw siya sa lansangan para humingi ng ayuda, na aniya'y hindi daw ibinigay ng Barangay Buenavista.

Aminado si Rene na lasing siya nang gawin ang mga ito. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Narinig ng kagawad ng barangay ang pagsigaw at pagmumura ni Rene, at doon na siya sinumbong sa chairman.

Nang magkaharap ay sinaktan na daw ng chairman si Rene.

Napag-alaman naman na nagtatrabaho bilang security guard si Rene at nakatanggap na daw ito ng ayuda mula sa Social Security System.

Ayon naman sa Department of the Interior and Local Government (DILG), iniimbestigahan na nila ang pangyayari.

Ani DILG city local government operation officer Robert Diola, maaaring magsampa ng administrative case at criminal case ang biktima. 

Nagpahayag din si Tarlac Mayor Christy Angeles ng saloobin at sinabing naiintindihan niya kung saan nagkulang ang dalawang partido. 

Kasalukuyan namang inaasikaso ng pamilya ni Rene ang kanyang pagpapa-medical dahil sa mga sugat na natamo. 

Nagbabalak din daw silang magsampa ng kaso laban sa chairman. —Ulat mula sa BMPM 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.