'Ihuhulog sa Pasig River': Duterte may babala sa mga online scammer

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 02:24 PM

MAYNILA - Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga online scammer na mananamantala ng presyo ng kanilang produkto, sa gitna ng pagtaas ng demand ng face masks ngayong may banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buong mundo. 

Sa kaniyang public address Biyernes, sinabi ni Duterte na “ihuhulog sa Pasig River” ang mga magsasagawa nito. 

"’Wag kayo magbili ng mga online-online na lalo na magpadala ka ng pera…. I'd like to address this to everybody. Mga kababayan, do not fall for that thing online-online. It has never been perfected. All this comes that man could think of that can they perpetuate on the innocent public," ani Duterte. 

"Ang iyo d'yan is i-deliver mo, papasukin mo sa loob iyong nagdala ng mask, talian mo. 'Pag gabi, maghanap ka ng sasakyan, ihulog mo sa Pasig River. Maraming tulay d'yan, alas-3 ng madaling-araw, wala nang dumadaan d'yan, maski anong ihulog mo wala nang makialam d'yan," dagdag niya. 

Kasabay nito, nanawagan ang pangulo na huwag magpadala sa mga online scam na gumagamit ng kaniyang pangalan para manamantala ng mga kustomer. 

"Huwag kayo magpaloko lalo na 'yung mag gamit ng pangalan ko kasi 'yung mag gamit ng pangalan ko, sigurado palpak 'yan, raket 'yan, krimen 'yan," ani Duterte. 

Nanawagan din siya sa publiko na inspeksyunin ang mga bibilhin na face mask bago magbayad. 

Maaalalang may mga nahuhuling nagtataas ng presyo ng mga face mask at alcohol, kasabay ng pagputok ng COVID-19 pandemic sa bansa. 

Naglipana rin ang samu't saring online donation scams na may kaugnay sa pamimigay ng ayuda sa gitna ng COVID-19 lockdown. 

Sa ngayon, may mahigit 20,000 kaso na ng virus sa buong bansa. 

— May ulat nina Arianne Merez at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.