'Fixer' ng permit, arestado sa QC

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 12:39 AM

Huli ang isang babaeng umano'y fixer ng permit sa entrapment operation sa Quezon City nitong Miyerkoles.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumapit ang kumpanya sa babaeng suspek nitong Enero upang ipaasikaso ang renewal ng kanilang business permit. 

Inabot sa suspek ang tsekeng nagkakahalaga ng P339,000 na pambayad sa permit. 

Nagtungo sa Business Permits and Licensing Department (BPLD) ang kinatawan ng kumpanya nang may makitang maling detalye sa natanggap niyang permit. 

Napag-alaman sa verification na walang nilabas na business permit ang city hall para sa kumpanya at wala ring ibinayad na pera para sa permit.

Panawagan ni BPLD Head Margarita Santos sa publiko, huwag makipagtransaksyon sa mga fixer. 

Aniya, pinadali na rin ang proseso ng pagkuha ng mga permit, lisensiya at iba pang dokumento na kailangan sa pagnenegosyo sa lungsod. 

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, kinasuhan na ang suspek ng estafa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.