Duterte may agam-agam sa kahandaan ng bansa sa 'blended learning'

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 04:31 PM


MAYNILA — Nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes ng agam-agam sa kahandaan ng bansa sa "blended learning" bilang alternatibong paraan ng edukasyon sa pagbubukas ng eskuwela sa Agosto habang mayroon pang pandemya. 

Sa ilalim ng blended learning, gagamit ng telebisyon, radyo, at internet ang mga estudyante para sa pag-aaral nilla, at kung maaari ay iiwas na sa face-to-face interaction.

"The technology is good. I do not know if we are ready for that. Meaning to say, if we have enough of those na gamitin para sa whole of the Philippines," ani Duterte sa isang public address na inere nitong Biyernes.

Ayon kay Duterte, kung handa na ang teknolohiya at kayang bilhin ng pamahalaan ang mga kailangang equipment ay maaaring magpatuloy ang Department of Education (DepEd) sa mga plano nito. 

"We are talking of students here, it’s millions. Mayroon ba siya? But if she has or if we can afford it, we’ll buy it and she (DepEd Secretary Leonor Briones) can proceed... the children can continue with their education," anang Pangulo. 

Giit ni Duterte, hindi niya maaaring payagan ang mga mag-aaral na magbalik-eskuwela hanggang wala pa ring nadidiskubreng bakuna kontra COVID-19. 

"We have to wait for the vaccine. Maghintay talaga tayo sa vaccine. Sabi ko sa inyo, walang vaccine, walang eskuwela." 

Sa schedule ng DepEd, magbubukas ang klase sa Agosto 24. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.