2 dayuhan arestado sa paglabag sa liquor ban sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 05:26 AM | Updated as of Jun 05 2020 06:11 AM

Watch more in iWantTFC

Huli sa pagbebenta ng alak habang liquor ban ang 2 dayuhan sa isang soup station sa Kalaw, Malate, Maynila.

Ayon kay Police Maj. Rosalino Ibay, Jr., hepe ng Manila Police District SMART, nagbebenta ng alak ang mga suspek kahit umiiral pa rin ang liquor ban sa lugar.

Nadiskubre sa mga kahon ng prutas ang mga nakatagong alak.

Sa pangunguna ng Special Mayor’s Reaction Team at Manila Bureau of Permit and Licensing Office, inaresto ang dalawang suspek na nagpapatakbo ng negosyo.

Ipinasara din ng Manila Health Department ang naturang lugar at nabigyan ito ng cease and desist order at closure order nang malamang nag-ooperate ito nang walang sanitary permit.

Napag-alaman din na patuloy ang operasyon ng establisimiyento kahit wala na itong business permit.

Nakumpiska ang 12 kahon ng alak at ilang mga rekado sa soup station.

Paglabag sa guidelines ng general community quarantine, liquor ban, Omnibus Revenue Code, at Code on Sanitation of the Philippines ang kasong haharapin ng mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.