2 nagpanggap umanong online seller ng face masks timbog sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 03:58 PM

MAYNILA - Arestado sa isang entrapment operation sa Laguna ang mag-live in na nagpanggap umanong nagbebenta ng face masks at nangulimbat ng aabot sa P10 milyon sa iba't ibang customer nitong Huwebes. 

Ayon kay Police Major Leandro Gutierrez, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group - Laguna Provincial Field Unit, nag-ugat ang reklamo sa isang negosyante na nakipagtransaksyon sa mga suspek na sina Blessie Mae Altoveros at Enrico Mendoza. 

Nagbebenta ang dalawa ng face mask sa halagang P350 lang kada kahon, na bagsak presyo kumpara sa ibang seller kaya naengganyo ang biktima. 

Nagbayad na ang complainant ng P2 milyon subalit hindi dumating ang kaniyang order. 

Sinisingil pa siya ng dagdag na P300,000 ng mga suspek kaya nakipag-ugnayan na siya sa pulisya. 

Ikinasa ang entrapment operation sa isang gasolinahan sa Balibago, Santa Rosa, Laguna kung saan nakipagkita ang dalawa. 

Inaresto sila nang tanggapin ang boodle money. 

Nabatid na nasa 10 na ang nabiktima ng mag-partner at tinatayang P10 milyong piso na ang kanilang nakulimbat. 

Kinasuhan na sila ng large scale estafa.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.