13th month pay ng ilang empleyado nanganganib dahil sa pandemya: grupo

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 05:57 PM | Updated as of Jun 05 2020 09:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Asahan nang bukod sa pagbabawas ng mga empleyado, may mga kompanyang hindi makapagbibigay ng 13th month pay at magbabawas pa ng suweldo dala ng pagkalugi dahil sa COVID-19 pandemic, ayon sa isang grupo ng mga pribadong employer.

Tatlong buwan nang hindi nakababayad ng upa sa tirahan si Jayson Mesalucha. Messenger siya ng isang food company, pero dahil sa pandemic, bawas na ang kaniyang byahe at bawas din ang kaniyang sweldo.

Mula sa dating P7,000, mahigit P3,000 na lang ang pinagkakasya niya kada buwan ngayon.

"Ngayon pong pandemic, mahirap lumabas-labas, bibihira po... Naipon po 'yung mga bayarin kagaya ng kuryente, upa, hulog sa motor," aniya.

Ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP), madami pang kompanya ang nakatakdang magsara o magbawas ng mga empleyado sa mga susunod na linggo.

Ang mga mananatiling bukas na negosyo naman, mapipilitang gumawa ng mga paraan para makatipid gaya ng pagbabawas ng suweldo.

Ang maliliit na kompanya naman, maaaring di na rin magbigay ng 13th month pay.

"Mayroon namang pinapayagan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ngayon, huwag lang bababa sa minimum wage at papayag ang empleyado, magbababaan ang suweldo. On a voluntary basis puwedeng magbawas ng trabaho," ani ECOP president Sergio Ortiz-Luis. 

Sa section 5 ng Labor Advisory No. 17 ng DOLE, nakasaad na puwedeng pagkasunduan ng employer at empleyado ang pagbabawas ng suweldo at mga kalakip na benepisyo sa loob nang anim na buwan.

"Employers and employees may agree voluntarily and in writing to temporarily adjust employees’ wages and wage-related benefits as provided for in existing employment contract, company policy or collective bargaining agreement (CBA)," ayon sa advisory.

Sabi naman ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), pahirap ito sa mga manggagawa at delikado ring maabuso.

"Napakatagal na po niyan para sa mahihirap na manggagawa. Isa pa, napakadelikado ng polisiyang 'yan dahil kahit temporary 'yan, may possibility na i-extend o palawigin pa ng gobyerno at itulak ng mga negosyante na gawing permanente," ani Alan Tanjusay, spokesperson ng ALU-TUCP. 

Paalala naman ng DOLE sa mga kompanya na huwag aabusuhin ang mga matitirang empleyado. Dapat hindi umano lalagpas sa apat na oras ang overtime at dapat bayad ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.