SAF trooper, nalunod habang nagsasanay sa Batangas

Darlene Gemino, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 10:39 PM

Isang miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police (PNP) ang namatay habang nagsasanay sa Batangas noong Linggo.

Ipinagmamalaki ni Noemi Baldonado ang kaniyang 27 anyos na anak na si Manny.

Magdadalawang taon na itong nagsasanay bilang isang SAF trooper, at bagama't ilang beses na nitong naisipang sumuko dahil sa sobrang hirap ng training, mas pinili nitong lumaban para sa kaniyang pamilya at para na rin sa bayan.

Dagdag pa ni Noemi, nakaplano na ang pag-uwi ng anak na si Manny ngayong Hunyo, pero hindi nila inaasahang bangkay na itong darating sa kanilang bahay.

Nalunod umano si Manny Linggo ng umaga sa kasagsagan ng training nito sa Batangas. Binigyan umano ito ng first aid at dinala sa ospital sa Laguna pero hindi na ito umabot ng buhay.

Kinukuwestiyon ni Noemi ang nangyari sa anak.

"Yun nga po kinukuwestiyon ko pinabayaan niyo anak ko sabi ko, bakit hinayaan nila 'di ba may guard sila nagbabantay, nalunod nga daw sabi nila, ang sabi lang nalunod ang anak ko, nung Sunday," aniya.

Nakatakda na umanong magtapos sa pagsasanay si Manny ngayong Hulyo o Agosto.

Ipagdiriwang din sana niya ang kaniyang ika-28 kaarawan sa Agosto 21.

Humihingi ng tulong ang pamilya kay Pangulong Rodrigo Duterte para maimbestigahan ang nangyari kay Manny.

"Kay President, sana tulungan niyo ang anak ko kung ano ang talaga ang nangayri, maraming hirap ang anak ko hirap po ng training ng SAF, pero kinakaya niya para sa pamilya at sa bayan, pero marami ang nagtataka bakit ganun ang nangyari sa anak ko, para mabigyan ng hustisya sa anak ko," ani Noemi.

Hinihintay pa ng pamilya ang official report sa nangyari kay Manny. Nagdesisyon na rin sila na huwag nang isailalim sa autopsy ang kaniyang mga labi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.