PSA: Presyo ng pagkain, kuryente, gas nag-ambag sa pagbilis ng inflation

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 11:38 AM | Updated as of Jun 05 2019 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang anim na sunod na buwang pagbagal, bahagyang bumilis ang inflation, ang antas ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, nitong Mayo. 

Mula sa 3 porsiyento noong Abril, bumilis sa 3.2 porsiyento ang inflation noong nakaraang buwan. 

Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, malaki ang naiambag dito ng presyo ng pagkain at inumin, maging ang dagdag-presyo sa tubig, kuryente, at gas.

Pero nananatili sa ngayon ang antas ng inflation sa target ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na nasa 2.8 hanggang 3.6 porsiyento. 

Ayon sa Philippine Statistics Authority, pangunahing dahilan ng pagbilis ng antas ay ang 3.4 porsiyentong dagdag sa antas ng inflation sa pagkain at non-alcoholic beverages. 

Dahilan din ang 3.2 porsiyentong pagtaas ng presyo ng tubig, kuryente, gasolina, at iba pang produktong petrolyo. 

Sa isang pahayag, sinabi ng National Economic and Development Authority na nagdulot ng pinsala ang El Niño sa agrikultuta ng bansa, kaya nagtaas-presyo ang gulay at prutas. 

"Weak El Niño conditions persisted, and brought significant damage to the agriculture sector in the midst of the election period’s strong consumption demand," ani Ernesto Pernia, kalihim ng NEDA. 

Pero umaasa naman si BSP Governor Benjamin Diokno na patuloy na babagal ang inflation ngayong bumababa umano ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Bumilis sa 3.4 porsiyento mula 3.1 porsiyento ang inflation sa National Capital Region. 

Naitala naman ang 3.1 porsiyentong inflation sa labas ng NCR. 

-- May ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.