Mayor-elect na convicted sa kasong graft, huli matapos kumuha ng NBI clearance sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 12:02 AM

ILOILO - Hinuli ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Western Visayas nitong Lunes ang mayor-elect ng Janiuay, Iloilo habang kumukuha ng clearance para sa lisensiya ng kaniyang baril.

Napag-alaman ng NBI na may warrant of arrest pala na inilabas laban kay Frankie Locsin matapos pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng Sandiganbayan ukol sa kasong graft nito noong 2015.

Ito ay may kinalaman sa pagbili ng P15 milyong halaga ng medical supplies mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Sen. Vicente "Tito" Sotto noong 2001.

Kasalukuyang naka-hospital arrest si Locsin, 70 anyos, dahil sa iniindang sakit, tulad ng pneumonia at hypertension.

Naglabas ng medical certificate ang Western Visayas Medical Center nitong Martes na hindi na fit bumiyahe si Locsin.

Hindi pa nagpalabas ng pahayag ang kampo ni Locsin ukol sa pagkaaresto nito.

Nitong nakaraang halalan, muling nanalo sa pagka-alkalde si Locsin matapos makakuha ng 11,383 na boto. - Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.