Mahigit 500 bata sa Gingoog City, nakatanggap ng mga bagong bag

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 09:42 PM

GINGOOG CITY, Misamis Oriental - Mahigit 500 bata mula sa isang malayong barangay sa Gingoog City ang nakatanggap ng mga bagong bag.

Isang oras na biyahe pa mula sa sentro ng Gingoog City bago marating ang Barangay Kalipay kung saan naninirahan ang karamihan sa miyembro ng tribung Higaonon.

Pagsasaka ang kabuhayan ng karamihan sa kanila kaya pahirapan ang pagpapa-aral nila sa kanilang mga anak.

Sila ang napili ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya na bigyan ng bagong school bags na may lamang school supplies. 

Kasama ang mga pulis, sundalo mula sa 23rd Infantry Battalion at Christ the King College HS Batch 93 ng Gingoog City, ipinamahagi ang mga bagong bag sa mga bata ngayong Miyerkoles.

Nasa 596 na mga estudyante mula sa elementarya ng Kalipay Central School, Malagwas Indigenous Peoples School at Kabuka Indigenous Peoples School ang nabigyan ng biyaya.

"Malaking tulong ito sa Kalipay Central School at dalawang IP schools namin dahil magbibigay ito ng inspirasyon sa kanila na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral," sabi ni Mary Neva Grace Chipada, Principal ng Kalipay Central School.

Maliban sa bags at school supplies may libreng gupit rin ang mga sundalo at nagpakain naman ang mga alumni ng Christ the King College.

Umaasa naman ang ABS-CBN at mga partners nito na hindi lang 'kalipay' o saya ang maibibigay ng mga bagong bags sa mga estudyante ng Barangay Kalipay kundi inspirasyon sa kanilang pagsisikap para mag-aral at tuparin ang kanilang pangarap.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.