Listahan ng mga sukang 'natural' ilalabas sa susunod na linggo

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 07:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihayag ng opisyal mula sa Food and Drug Administration (FDA) na maglalabas sa susunod na linggo ang ahensiya ng listahan ng mga brand ng sukang walang synthetic acetic acid.

"Sa susunod na mga araw, maglalabas pa po tayo kung mayroon pa po tayong nakita na ganitong hindi papasa sa ating quality standards, sasabihin po natin," ani Health Undersecretary at FDA officer-in-charge Eric Domingo.

"Maglalabas din po naman tayo ng listahan na sigurado tayong natural acetic acid ang kanilang ginagamit," ani Domingo. 

Kasunod ito ng paglabas noong Martes ng FDA ng listahan ng mga tatak ng sukang nakitaan ng ahensiya ng synthetic acetic acid, na nangangahulugang "substandard" ang mga produkto.

Sa 39 sample na sinuri ng FDA, 5 tatak ang nakitaang may synthetic acetic acid.

Isinagawa ng FDA ang pagsusuri kasunod ng pag-aaral na isinagawa ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), kung saan lumabas na 80 porsiyento sa 360 sample ng sukang kanilang sinuri ay synthetic acetic acid at hindi gawa sa mga natural na sangkap.

Ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, dapat din ilabas ang mga brand ng sukang naunang sinuri ng PNRI at nakitaan ng synthetic acetic acid.

"Tayo mga consumer, huwag nating isali ang ating sarili doon sa method ng testing ng 2 ahensiya. Ang importante sa atin, alam natin ang mga brand na hindi natin bibilhin. So kulang pa," ani Dimagiba.

Hahayaan munang boluntaryong mag-pull out ng kanilang mga produkto sa merkado ang 5 brand na nakitaan ng FDA na may synthetic acetic acid.--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.