Indian arestado sa bintang na panggagahasa sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 05:09 PM

Naaresto nitong madaling araw ng Miyerkoles sa Valenzuela City ang isang lalaking Indian dahil sa umano ay panggagahasa sa isang babae. 

Kinilala ng Valenzuela City Police Station ang suspek bilang si Praveenkuamar Karunaneeth, isang 24 anyos na medical student at naninirahan sa Barangay Marulas sa lungsod.

Inimbita noong gabi ng Martes ni Karunaneeth sa kaniyang bahay ang 20 anyos na biktimang si alyas "Carla," na nakilala niya sa dating app, ayon sa ulat ng pulisya.

Kasama ng biktimang pumunta sa bahay ng suspek ang kaniyang kaibigang babae.

Nakainuman ng 2 babae ang suspek hanggang sa makaramdam ng pagkahilo ang biktima, na pinatulog ng suspek sa kaniyang kuwarto, ayon sa ulat.

Nagpunta umano sa comfort room ang kaibigan ng biktima pero natuklasan niyang ni-lock siya sa loob.

Nang makalabas, nakita umano ng kaibigan si Karunaneeth na walang pang-ibabang saplot at nakaibabaw sa biktimang walang malay at wala ring suot na pang-ibaba.

Sinubukan ng 2 babae na umalis ng bahay pero pinigilan sila ni Karunaneeth, na nagbitiw ng mga banta sa kanilang mga buhay, ayon sa ulat.

Nakatawag umano ang kaibigan sa kapatid ng biktima, na siyang humingi ng tulong mula sa mga tauhan ng barangay para masagip ang 2 babae at maaresto si Karunaneeth.

Mahaharap ang suspek sa kasong rape, slight illegal detention, threat, at paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (disobedience to a person in authority). 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.