PatrolPH

5 babae kabilang sa 18 arestado sa drug ops sa Bocaue

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 03:41 PM | Updated as of Jun 05 2019 07:50 PM

Watch more on iWantTFC

Umabot sa 18 tao ang naaresto ng mga pulis sa isinagawa nilang serye ng drug operations sa bayan ng Bocaue, Bulacan nitong magdamag ng Martes hanggang Miyerkoles. 

Lima sa mga nahuli ay babae. Ayon sa Bocaue police, modus na ng mga sindikato ngayon na gumamit ng mga babae sa pagbebenta ng droga. Ang iba raw sa mga ito ay mga misis ng nakulong na drug pusher. 

Martes ng gabi sa Barangay Bagumbayan, 3 ang naaresto sa buy-bust kung saan ilang sachet ng shabu ang narekober.

Dalawa sa mga nahuli ay babae. Inamin nilang gumagamit sila ng shabu pero hindi daw sila nagbebenta.

"Hindi po amin 'yan. Hindi po," ani Mary Ann Domingo, isa sa nahuli sa buy-bust.

Sa follow-up operation sa Barangay Wakas, natimbog naman nila ang 3 babae na nagbebenta umano ng shabu.

Mas hindi raw mahalata kapag babae ang nagbebenta, ayon sa pulisya. 

"Modus na ito ng mga sindikato na mga babae na ang ginagamit para hindi mahalata ng mga pulis. Iyung iba diyan may mga asawa na nakulong din," ani Police Lt. Col. Rizalino Andaya, hepe ng Bocaue police. 

Sa Barangay Batya naman, sinalakay din ng mga pulis ang isang bahay kung saan apat ang kanilang naaresto kabilang na ang mag-asawang suspek.

Anim na sachet ng shabu at buy-bust money ang narekober ng mga pulis. 

Sumatotal ay 18 ang natimbog ng pulisya sa magdamagang drug operations. 

Target ngayon ng Bocaue police na mahuli ang ilan pang kasabwat ng suspek. 

Nakatakda nang kasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.