3 patay sa engkuwentro sa Navotas

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 11:48 AM | Updated as of Jun 05 2019 08:11 PM

MAYNILA - Dead on the spot ang tatlong lalaki habang nakatakas naman ang isa pa matapos mauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation sa eskinita sa Agora Market, Barangay NBBS sa Navotas, Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon kay Police Col. Rolando Balasabas, hepe ng Navotas Police, target ng operasyon sina alyas Arabo, Gurang, Bekong at isa pang lalaki na pawang mga tulak umano ng droga sa lugar.

Watch more in iWantTFC

Nakatanggap umano ang mga pulis ng ulat mula sa mga concerned citizen hinggil sa ilegal na gawain ng mga suspek kaya nagkasa sila ng buy-bust operation, alas-3 ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, nakabili ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang operatiba pero nakatunog umano ang mga suspek na isa itong police operation at nagtangkang tumakas.

Bumunot umano ang mga ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis. Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa agarang pagkamatay ng tatlong suspek habang nakatakas naman ang isa. 

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong hindi pa tukoy na kalibre ng baril at mga basyo ng bala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.