TINGNAN: Esterong puwede nang ‘lakaran’ matapos mapuno ng tone-toneladang basura

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2018 10:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinangangambahan na ng mga residenteng nakatira malapit sa Estero de Magdalena sa Tondo, Maynila ang papalapit na tag-ulan.

Paano kasi, ang esterong dapat sana ay may tubig ay maaari nang lakaran ngayon dahil napuno na ito ng tone-toneladang basura.

Nito lamang Martes ng umaga, 50 sako ng basura ang nahakot sa isang bahagi pa lang ng estero, pero kung papasukin ang komunidad sa gilid nito, higit pa sa isang truck ang makikitang naipon na sa loob. 

Dahil hindi na dumadaloy ang basura, pangamba ng mga residente na kapag tumama ang malakas na bagyo ay hindi lang basta baha ang kanilang maranasan. 

"Pangamba ko baka ma-washout din 'yung bahay namin kasi gawa lang 'yung mga bahay namin sa kahoy," ani Aileen Degules, isa sa residente. 

Pero may mga residente rin gaya ni Rhodora Kuyag na tila sanay na sa pamumuhay sa gilid ng estero. 

Kahit nabigyan na kasi ng pabahay sa ibang lugar, bumalik pa rin siya rito. 

"Dadalhin kasi kami du'n [sa relocation site], pero wala namang trabaho. 'Yung mga anak ko dito rin nag-aaral," paliwanag ng ginang. 

Kuwento naman ng barangay, hindi umano sila nagkukulang sa pagpapaalala sa mga residente na may tamang tapunan ng basura. 

Pero sa layo nito, tinatamad na raw ang mga residente na sumunod. 

Ayon naman sa Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), patuloy ang kanilang pagkasa ng mga mekanismo para mas mabilis na makuha ang mga basurang nagpapalutang-lutang sa mga daluyang tubig. 

"Masisipag po ang river warriors namin sa pag-aalis ng mga basura lalo na ngayong tag-ulan. Pero nakiki-usap din kami sa mga nakatira sa estero na maging responsable sa kanilang mga basura," ayon kay Lyssa Miclat ng PRRC.
    
Dagdag ng PRRC, sa ikatlong quarter ngayong taon nakatakda nang i-relocate ang 700 pamilya sa ibang lugar para mailayo sa peligrong dulot ng paninirahan sa estero. 

Pero ang mas malaking hamon daw ay ang pagkumbinsi sa mga ito na manatili sa mga bagong tirahan, imbes na bumalik sa mabaho, madumi, at hindi ligtas na estero.     

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.