Ilang Grab driver, dumadaing ng pagkalugi

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2018 11:03 PM | Updated as of Jun 05 2018 11:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umiinda ng pagkalugi ang ilang drayber ng Grab dahil suspendido pa rin ang dati nilang singil na P2 per minute at nakabinbin naman ang hiling na dagdag-singil sa pamasahe.

Idinulog nitong Martes ng mga drayber ng Grab ang pagbaba ng kanilang kita sa pagharap nila sa Kamara.

"I'm a single mom and this is my bread and butter. Mali 'yong naging konsepto… wala na po akong naIuuwi. Dati, I can pay my bills even just one week of driving... I'm not earning, I've been working 20 hours now," daing ni Janina Pineda, pinuno ng mga drayber ng Grab.

Kumikita na lamang aniya ang mga Grab driver ng halos P400 kada araw mula sa dating lingguhang kita na P18,000. 

Anila, ibabawas rito ang gastos sa gasolina, amortization ng sasakyan, load para sa internet, porsiyento ng Grab at maintenance ng sasakyan.

Pinaplano na ng Grab na ang kompanya muna ang pansamantalang sasalo sa nawalang kita ng kanilang partner-drivers.

Ibabase raw ng Grab ang kanilang ayuda sa oras ng biyahe kaya't mas makikinabang dito ang drayber na madalas na naiipit sa mabagal na trapiko.

"Rush hour dahil distance-based ang ating pricing, 'yong distance ay 30 minutes pero ang presyo ay nasa 90 pesos. Ang dapat sa 30 minutes na fare ay 150 to 155 so yung butal na nasa 60 to 65 pesos, si Grab po ang magbibigay sa driver," ani Brian Cu, country head ng Grab Phlippines.

Paglilinaw ng Grab, walang ipapasa na dagdag-pasahe sa mga pasahero kapag ipinatupad nila ang subsidyo.

Umaasa din ang Grab na sa tulong ng ayuda ay mababawasan ang pasaway nilang mga drayber.

"What it can do is to fix the attitude of the certain drivers... hopefully it creates that 'pay it forward effect' na maging masaya sila sa biyahe [at] mas magandang serbisyo ang mabibigay nila sa passengers," dagdag ni Cu.

Paalala naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga drayber ng transport network vehicle service (TNVS) na kailangan nilang iproseso ang kani-kanilang dokumento dahil sa Agosto ay mas paiigtingin ng ahensiya ang panghuhuli sa mga kolorum na sasakyan.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.