PatrolPH

Suspek sa rape-slay ng bata sa Lucena City, natagpuang patay sa kulungan

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2023 03:06 PM

Natagpuang patay nitong hatinggabi ng Linggo ang isang lalaking suspek sa umano'y panggagahasa at pagpatay sa isang bata sa Lucena City, ayon sa pulisya.

Sa ulat ng Lucena City police, bandang alas-12:45 ng hatinggabi ngayong Linggo nang matuklasang wala nang buhay ang 19 anyos na suspek sa loob ng palikuran ng kulungan.

Isinugod pa ito sa ospital pero idineklara ring dead on arrival ng doktor.

Nakulong noong Miyerkoles ang suspek, na dawit sa brutal na pagkamatay ng isang 8 anyos na babae.

Natagpuan kamakailan ang bangkay ng bata na hubad at nakabusal sa isang bakanteng lote sa Barangay Gulang-Gulang.

Nauna nang naging witness ang suspek dahil siya ang nakakita sa bangkay at nagbigay-alam sa mga awtoridad.

Pero nang magpatuloy ang imbestigasyon, lumabas sa mga kuha ng CCTV na ang suspek ang huling kasama ng biktima bago mangyari ang krimen, ani Lucena police chief Lt. Col. Ruben Ballera Jr.

Ayon pa sa pulisya, inamin din ng suspek na siya ang may kagagawan ng krimen dahil nakagamit ng rugby.

Iniimbestigahan naman ng mga awtoridad ang pagkamatay ng suspek at kung may iregularidad sa nangyari.

— Ulat ni Ronilo Dagos

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.