Positibong kinilala ng mga primary witness ang isang person of interest sa kaso ng pagpatay sa radio broadcaster na si Cresenciano Bunduquin.
Nasawi si Bunduquin matapos itong pagbabarilin ng riding in tandem sa Calapan City noong Miyerkoles.
Ang dalawang witness sa kaso, isang delivery boy at ang anak ni Bunduquin, ay positibong kinilala ang suspek dahil hindi umano ito nakasuot ng helmet nang mangyari ang krimen.
Ang kinilalang suspek ang natitirang pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad matapos masawi ang kasama nitong naka-angkas sa motor dahil sa pagbangga sa kanila ng anak ni Bunduquin nang mangyari ang pamamaril.
Patuloy pa rin ang manhunt operation at lahat ng exit points sa Oriental Mindoro ay binabantayan na rin, ayon kay P/Col. Samuel Delorino, provincial director ng PNP Oriental Mindoro.
Kinausap na rin ng pulisya ang pamilya ng suspek at pinayuhan silang hikayatin itong sumuko na lang.
Kasabay nito, mayroon na ring magdamagang nakabantay na pulis sa pamilya ng biktima at ng witness.
Si Bunduquin na ang ikatlong nasawing miyembro ng media simula nang maupo bilang pangulo ng Pilipinas si President Ferdinand Marcos Jr.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.