PatrolPH

2 patay sa pagsabog sa Northern Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2023 01:10 AM

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Northern Samar hinggil sa dalawang sibilyan na nasawi matapos masabugan ng improvised explosive device bandang alas-12 ng tanghali sa Brgy. Magsaysay, bayan ng Las Navas, nitong Sabado.

Ang mga biktima na kapwa construction worker ay kinilalang sina Rowel Lebeco, 32-anyos at Jerson Cabe, 29-anyos. 

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, sakay ng motorsiklo ang mga biktima at pagdating sa kurbadang bahagi ng kalsada, isang IED umano na nakatanim sa gilid ng kalsada ang sumabog na ikinasawi ng dalawang biktima.

Mariing kinondena ng Northern Samar Police Provincial Office ang nasabing insidente at patuloy na inaalam ang mga taong nasa likod nito. - Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.