PatrolPH

OFW sa Saudi Arabia humihingi ng saklolo dahil sa pang-aabuso ng amo

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2022 06:47 AM | Updated as of Jun 04 2022 09:07 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Duguan ang ulo at umiiyak ang domestic worker na si Jessica Corbito sa videong kaniyang ipinadala sa mga kamag-anak sa Bulacan noong May 30.

Ito’y ang mga panahong hinataw siya ng sandok sa ulo ng among babae dahil sa nahuli siyang nakaidlip sa kusina.

Oktubre noong nakaraang taon nang tumulak patungong Jeddah, Saudi Arabia si Corbito sa pag-asang magkaroon ng magandang buhay.

Subalit pangmamaltrato ang kanyang dinanas sa kamay ng mga amo.

Sumbong ni Corbito sa kaniyang nanay, Abril nang unti-unti nang nakararanas na siya ng pananakit sa mga amo.

Dahil sa pang-aabuso, naisipan niya umanong magpakamatay.

"Naghingi na po siya ng tulong sa akin na hindi niya na kaya, ayun naglaslas po siya," ani Salvacion Iliw-iliw, ina ni Corbito.

Hindi na umano makatulog si Iliw-iliw dahil sa sobrang pag-aalala.

Bukod sa kurot, pagpalo ng kahoy at pagbatok ng sandok, maging ang lalaking anak ng amo ni Corbito ay ginagawan din umano siya ng kalaswaan.

"Pinapakitaan po siya ng ari at nilalaro ito. 'Yung mga hindi katanggap tangap sa gawain sa harap ng babae," ani Iliw-iliw.

Dumulog na umano sila nitong Lunes sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at naghihintay pa sila ng aksyon.

"Naglalakad kami sa mga dapat tumulong sa amin. Saan-saan po kami tinuturo, binibigyan po kami ng referral kung saan ang lugar na 'yun. Pagdating po namin doon ay wala rin naman po," saad ng ina ng OFW.

Sa isang mensahe, hiningi ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang personal information ni Corbito maging ang pagkakakilanlan ng employer nito.

Ayon kay Undersecretary Ana Dione ng Department of Labor and Employment, makikipag-ugnayan sila sa tanggapan ni OWWA Administrator Hans Cacdac nang agad matulungan ang OFW.

Sa kasalukuyan ay tatlong araw nang hindi nakakausap si Corbito ng kanyang pamilya at huling abiso raw nito’y dinala siya ng kanyang amo sa kulungan.

Hindi na rin makontak ang Al Muhaidib Recuitment, ang agency na may hawak sa kaniya.

Noong November 2021, isang buwang bago makaalis si Corbito ng Pilipinas, ipinatupad ang employment ban sa mga domestic helper na patungo sa Saudi Arabia dahil pa rin sa reklamo ng pang-aabuso.

Base sa tala ng DOLE, higit isang milyon ang OFW sa naturang bansa na karamihan ay domestic helper, nasa industriya ng construction, at mga nurse.

Noong 2020, umabot sa $1.8 billion ang remittances ng mga OFW mula Saudi Arabia.—Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.