PatrolPH

Barangay sa QC na nagkaroon ng COVID-19 'super spreader' umapela ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2021 04:56 PM

MAYNILA — Umaapela ang Barangay Matandang Balara sa Quezon City ng tulong sa gitna ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19 doon matapos ang naging "super spreader event" na paayuda ng isang konsehal. 

Sa ngayon, anim na lugar na ang isinailalim sa special concern lockdown sa barangay. Bukod sa unang ini-lockdown na Lagoon street, nitong Biyernes ng umaga ay isinama na rin ang mga sumusunod: 

  •  Ipil street
  •  Pook dela Paz street
  •  Pook dela Paz (baba)
  •  Pook dela Paz (taas)
  •  Liwanag street (4 na bahay) 

Sa tala ng barangay, mula sa 112 ay pumalo na ngayon sa 197 ang kaso ng COVID-19 sa kanila.

Samantala, nakapagtala na ng 73 positibo sa isinagawang contact tracing mula sa mga nakilahok sa paayuda event ni QC Councilor Franz Pumaren, na retiradong atleta at coach.

Sinisisi ni Barangay Matandang Balara chairman Allan Franza ang mass gathering ni Pumaren kaya dumami ang COVID-19 sa kanilang lugar.

"Talagang kapuna-puna dito 'yung nangyaring mass gathering d'yan sa may Linawag street. Nagkaroon ng pilahan ng ayuda at pumila d'yan 'yung humigit kumulang na 6,000 tao," sabi ng chairman.

Hinaing pa ni Franza, wala pang iniaabot na tulong ang konsehal na nagpasimuno sa itinuturing nang super spreader event.

"Medyo nakakalungkot inaantay namin 'yung tulong nila tsaka 'yung tugon nila."

Problemado ngayon ang barangay dahil kulang ang kanilang puwersa para bantayan magdamag ang 6 na lugar na naka-lockdown kaya nakipag-ugnayan na sila sa QC LGU. 

Bagama't sagot ng LGU at barangay ang pagkain ng mga residenteng apektado ng lockdown, hindi naman tiyak ni Franza kung sasapat ang suplay ng pagkain ng 14 na araw kaya umaapela siya sa mga nais tumulong.

Nilinaw din ng barangay official na hindi papayagang makalabas ang sinumang residente sa mga nabanggit na lugar na naka-lockdown.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.