PatrolPH

'Di natuto sa 2016 at 2019': Diskarte ng oposisyon sa halalan 2022 pinuna

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2021 06:46 PM | Updated as of Jun 04 2021 08:33 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Kulang isang taon bago ang halalan sa 2022 ay tumitindi pa lalo ang espekulasyon kung sino-sino ang kakandidato.

Pero ayon sa political analyst na si Julio Teehankee, hindi siya kumbinsido na pinal na ang mga lumulutang na pangalan, tulad nina Davao City Mayor Sara Duterte, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Bong Go, at Manila Mayor Isko Moreno.

Gayunpaman, aminado si Teehankee na malakas pa rin talaga sa masa ang kandidatong kaalyado ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nananatiling sikat hanggang sa huling taon ng kaniyang pamumuno. 

"Kasi kahit ano pang isyu o ano pa man ang kakulangan o kalabisan ng administrasyong ito, sila ang nakaupo, hawak nila ang poder, hawak nila ang resources... Alam naman natin ang politika ay tungkol sa communication ito, sinong may kontrol ng naratibo siya pa rin ang namamayagpag, ang may kontrol pa rin ng cycle ay siyempre ang administrasyon," ani Teehankee. 

Pinuna naman ni Teehankee ang oposisyon na tila walang planong baguhin ang kanilang istratehiya para sa darating na halalan.

"Masipag ang bise-presidente (Leni Robredo) bilang lider ng oposisyon kaya lang hindi nagre-resonate 'yung ginagawa niya, hindi lang ito problema ng VP kundi ng buong oposisyon. Mukhang hanggang ngayon hindi pa rin tanggap at hindi pa rin naiintindihan ng liderato ng ating oposisyon kung bakit sila natalo noong 2016 at bakit sila natalo ulit noong 2019," giit ng analyst.

Maaalalang walang nanalo ni isa sa Otso Diretso, ang mga pambato ng oposisyon sa Senado noong midterm elections 2019. 

Sabi naman ni Teehankee, malaki ang epekto ng pandemya kung paano gumalaw ang mga politiko ngayon. 

Dapat aniya ay kabi-kabila na ang pagpaparamdam ng mga politiko ngayon, pero dahil pandemya ay kaniya-kaniya muna silang diskarte at wala pang tahasang nagpapahayag na tatakbo sila sa partikular na posisyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.