PatrolPH

21 kaso ng iba-ibang COVID-19 variants, naitala sa Caraga region

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2021 05:45 PM

BUTUAN CITY - Inanunsyo ng Department of Health - Caraga Region ngayong Biyernes na nakapagtala sila ng 21 mga bagong kaso ng iba't ibang COVID-19 variants. 

Base ito sa natanggap na resulta mula sa Whole Genome Sequencing ng University ng Philippines-Philippine Genome Center. 

Sa pinadalang samples, 13 ang nagpositibo sa B.1.351 variant na unang na detect sa South Africa, pito sa B.1.1.7 na unang na-detect sa UK at isang P.3 na unang na-detect sa Pilipinas.

Mga residente ng Bislig City, Lianga sa Surigao del Sur, Cortes sa Surigao del Sur at Tandag City ang kumpirmadong B.1.351 cases.

Habang ang kumpirmadong sa B.1.1.7 variant ay mula sa Barobo sa Surigao del Sur, Esperanza sa Agusan del Sur at Butuan City. Isang P.3 variant case naman ang naitala mula sa Tandag City.

Sa isinagawang imbestigasyon, 13 sa 21 variant cases ay walang travel history at walo ay close contact sa dati ng kumpirmadong mga kaso. 

Sa 21 bagong kaso, 18 dito ay asymptomatic at nakarekober na habang ang isa ay nagpapagaling sa bahay. Dalawa naman ang namatay sa mga kaso ng B.1.351 variant habang naka-admit sa mga ospital sa Bislig City at Cortes sa Surigao del Sur.

Sa ngayon, ang mga lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan sa DOH - Caraga ay nagpapatupad ng mandatory quarantine at contact tracing sa close contacts ng mga magpopositibo sa sakit. 

May re-swabbing din na isasagawa sa mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 variants. 

Hinikayat ng ahensya ang publiko na sundin ang minimum health protocols.

--Ulat ni Lorilly Charmane D. Awitan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.