PatrolPH

Tacloban City, mas mahigpit sa pagpapatupad ng face mask ordinance

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 11:05 PM

TACLOBAN CITY - Naging mas mahigpit ang lokal na pamahalaan ng Tacloban City sa pagpapatupad nila ng mandatory face mask ordinance.

Nasorpresa ang mga residente ng lungsod nang biglang pagdadamputin ng kapulisan ang ilang tao sa kalsada na hindi nakasuot ng face mask. 

May ilang bystander din ang dinampot dahil hindi maayos ang pagkalagay ng face mask sa mukha. Maging ang naninigarilyo sa kalsada ay hinuli rin.

Sa isinagawang pag-iikot ng mga pulis nitong Miyerkoles at Huwebes, umabot sa mahigit 30 ang kanilang hinuli dahil sa paglabag sa face mask ordinance.

Dinala sila sa Tacloban Plaza Rizal para disiplinahin.

Ayon kay Police Captain Marjorie Manuta, tagapagsalita ng Tacloban City Police Office, ang paghuli sa hindi nagsusuot ng face mask ay pagdisiplina at pagpaalala sa publiko na mayroong ordinansa ang Tacloban hinggil sa pagsuot ng face mask kapag lumalabas ng bahay.

Nakalagay sa ordinansa na ang mahuhuli na hindi nagsusuot ng face mask sa pampublikong lugar ay maaaring patawan ng mga sumusunod na parusa:

  • First offense - P1,000 multa o community service
  • Second offense - P3,000 o community service
  • Third offense - P5,000 at pagkakakulong na hindi lalagpas sa anim na buwan.

Dinisiplina muna at hindi pinagmulta ang mga nahuli pero sa susunod na lumabag muli sila sa ordinansa ay pagbabayarin na sila ng multa at mag-community service.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.