Pulis-Pasig huli sa paggamit ng motor na ebidensiya sa krimen

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 03:21 PM

MAYNILA — Arestado ang isang pulis at kaniyang kasamahan sa Pasig City noong Miyerkoles dahil sa paggamit umano ng motorsiklong narekober noon sa isang crime scene.

Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kinilala ang suspek na pulis bilang si Corporal Steven Mark Pandi, 32, nakatalaga sa Pasig City Police Station Drug Enforcement Unit.

Nahuli si Pandi at ang kaniyang angkas na si Mary Grace David, 25, sa isang police operation sa kanto ng Evangelista Street at Santol Street sa Barangay Santolan bandang ala-1:30 ng hapon, ayon sa NCRPO.

Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang mga pulis na ginagamit ni Pandi ang isang motorsiklong nakumpiska ng Pasig police sa isang anti-illegal drug operation noong Oktubre 2019.

Nakumpiska kay Pandi ang motorsiklo, mga baril, bala, cellphone, at ID ng Eastern Police District.

Pinoproseso na ang pagsibak sa puwesto kay Pandi, na mahaharap sa mga kasong administratibo at kriminal, ayon sa NCRPO.

"Let me reiterate that NCRPO has zero tolerance for policemen involved in any illegal activity," ani NCRPO director Maj. Gen. Debold Sinas.

"We will continuously arrest them and ensure to remove them from our organization," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.