P7.4-M halaga ng 'shabu' nakuha sa Chinese chemist, 2 iba pa sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 04:35 PM | Updated as of Jun 04 2020 07:58 PM

Nahanap sa bahay ng Chinese suspek na si Samson Tan ang isa umanong shabu lab. Retrato mula sa PDEA-Calabarzon

Aabot sa P7.4 milyon halaga ng shabu ang nakumpiska sa magkasunod na anti-illegal drug operation sa Laguna, kung saan naaresto ang 3 katao kasama ang isa umanong Chinese chemist.

Naunang naaresto ang Chinese na si Samson Tan, alyas "Yusuf Sultan," sa buy-bust operation sa isang parking lot sa Barangay Don Jose, Santa Rosa City, ayon sa ulat mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Dinampot si Tan nang bentahan umano niya ng ilegal na droga ang isang tauhan ng PDEA na nagpanggap na buyer.

Nahuli naman sina Ansadin Kamid at Dexter Saliek nang salakayin ng PDEA ang bahay ni Tan sa Barangay Loma sa Biñan, kung saan natagpuan ang isang small-scale shabu laboratory. Isang menor de edad din umano ang nasagip sa bahay ni Tan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay PDEA chief Wilkins Villanueva, naaresto noong 2008 si Tan sa Binondo, Maynila matapos matuklasan ng Manila police ang shabu lab nito sa kaniyang bahay. 

Nakulong sa New Bilibid Prison si Tan noong 2014 hanggang 2018, ani Villanueva.

"Matagal nang chemist ito na nago-operate sa Manila," ani Villanueva.

"While nasa New Bilibid Prison ito that time, siya ginagawa ng mga sindikato na tagalinis ng shabu kasi may shabu na marumi... kasi magaling nga na chemist ito," dagdag niya.

Ayon sa intelligence report ng PDEA, miyembro si Tan ng Chinese triad drug syndicate na nagsasagawa ng research at pag-develop ng ilegal na droga sa Pilipinas.

"He's a very very high value target," sabi ni Villanueva.

"Ang parokyano niya 'yong members of the local drug syndicate, na nagsu-supply sa community," paliwanag ng hepe ng PDEA.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek, na nakadetine sa pasilidad ng PDEA sa Calamba.

DRUG TRADE TULOY KAHIT MAY PANDEMYA

Naniniwala umano si Villanueva na patuloy ang bentahan ng ilegal na droga sa gitna ng pandemya.

"There is always a ready market of shabu on the barangay level," sabi ni Villanueva.

"Doon tayo sa source, para walang maibenta sa gitna at walang maibenta sa ilalim. This will be the start of a series of arrests that we will conduct throughout the country," aniya.

Nakikipag-ugnayan na ang bagong talagang pinuno ng PDEA sa Dangerous Drugs Board, Department of the Interior and Local Government, at Department of Health para sa mga rehabilitation program at anti-drug operation sa gitna ng pandemya. -- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.