Miyembro umano ng Chinese triad, 2 iba pa kalaboso sa droga sa Laguna

April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 02:03 AM | Updated as of Jun 04 2020 05:03 AM

Arestado sa operasyon ng mga awtoridad ang isang miyembro umano ng Chinese drug triad at 2 nitong kasamahan nitong Miyerkoles ng hapon sa Laguna.

Una nang naaresto si Samson Tan sa isang buy-bust operation sa Sta. Rosa City, kung saan nasa P3.3 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasabat sa kanya.

Nakuha sa bahay ni Tan ang mga laboratory apparatus, wrapper, bungkos ng tig-P20 na pera at crystal substance ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Adrian Alvariño, direktor ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) National Capital Region, dumaan sa tatlong buwang surveillance ang mga suspek.

Dagdag pa niya, kilalang miyembro umano ng isang triad si Tan at may tattoo ito umano ng dragon sa likod na nagpapatunay na malaki ang kanyang katungkulan sa sindikato.

Ayon naman kay Wilkins Villanueva, direktor general ng PDEA, dati na rin umanong nakulong si Tan dahil pa rin sa droga noong 2008, nailipat sa New Bilibid Prison noong 2014 at na-release matapos umapela sa Court of Appeals.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek na nahaharap ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.