Mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Winston Ragos kinasuhan ng NBI

Niko Baua, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 06:12 PM | Updated as of Jun 04 2020 08:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kinasuhan na ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Huwebes ang ilang pulis na sangkot sa pagpatay sa retiradong sundalo na si Winston Ragos noong Abril sa isang quarantine checkpoint. 

Natapos na ng NBI Death Investigation Division ang mahigit isang buwang imbestigasyon sa pagkamatay ni Ragos sa checkpoint sa Quezon City noong Abril. 

Sinampa nila sa Quezon City Prosecutor’s Office ang mga kasong murder, perjury, at planting of evidence laban kay Police Master Sgt. Daniel Florendo, ang gunman, at sa kasama niyang 4 na police trainee. 

Ayon sa NBI, pasok sa murder ang kaso dahil ilang beses sumigaw ang mga tao sa mga pulis na huwag barilin si Ragos dahil hindi siya armado at may kondisyon siya sa pag-iisip.

Sa salaysay ng mga pulis, may hawak daw na baril si Ragos at nagbanta sa kanila. Taliwas naman ito sa nakita sa CCTV at sa sinabi ng 19 na testigo. 

Hindi rin nakita sa CCTV o ng mga testigo ang sinasabing baril. 

Sa halip, nakita ang pagkuha ng pulis sa sling bag ni Ragos na nilagay sa sasakyan ng barangay. 

Dagdag ng NBI, ang baril na prinesenta ng pulis ay hindi dumaan sa proseso ng pagkuha ng ebidensya sa crime scene. 

Natuklasan din nila na nakarehistro ito sa ibang tao, na 26 taon nang patay. Ito ang dahilan kaya isinampa rin ang kasong perjury at planting of evidence.

Nagpapasalamat naman ang nanay ni Ragos sa Nbi, lalo't ang naunang homicide case na sinampa ng pulisya laban kay Florendo ay pinabalik dahil sa kakulangan ng ebidensya. 

Dating sinabi ng mga pulis na self-defense ang kanilang ginawa na pagpaslang kay Ragos.

"Alam nila sa sarili nila kung ano ang katotohahan. Alam ko rin kung ano ang pelikula," ani Marilyn Ragos, ina ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.