Mahigit 50 bahay, nasira ng buhawi sa General Santos City

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 09:07 PM

GENERAL SANTOS CITY - Namuo ang isang buhawi na sinundan ng kidlat pasado ala-1 ng madaling araw nitong Huwebes, sa Barangay Bula sa lungsod ng General Santos.

Ikinagulat ng mga residente ang puwersa nito na nagresulta sa pagkakatuklap ng bubong ng maraming bahay, ang iba rito, tinangay pa ng malakas na hangin.

May mga punong nabuwal at may mga bahay na nabagsakan rin ng mga puno.

Sa Purok Zone 7, nanlumo ang may-ari ng isang karinderya matapos matanggal ang mga yero sa bubong nila. Ayon sa may-aring si Emy Limbo, masuwerte at walang nasaktan sa kaniyang pamilya dahil karamihan sa kanila, tulog na nang humampas ang malakas na hangin.

Sa katabing Purok Zone 8, naitala ang pinakamalaking pinsala ng buhawi. Mahigit sa 50 bahay ang nawalan at nasiraan ng bubong.

Ayon sa punong barangay na si Nicanora Vargas, 82 pamilya lahat ang apektado, na nagmula sa Purok Zone 8, Zone 7, Zone 2-C, at Zone 9.

Sinisikap na nilang makapamigay agad ng mga yero sa mga nasiraan ng bubong, at relief goods sa mga apektadong pamilya.

Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office, wala nang naitalang pinsala sa iba pang lugar sa lungsod.

Paliwanag ng PAGASA, isang buhawi umano ang nanalasa sa barangay. Karaniwang nabubuo ang buhawi kapag nagsalubong ang mainit at malamig na hangin. Dahil dito unti-unti itong nakakabuo ng puwersa na karaniwang nakakapaminsala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.