Ama ni Baby Kobe, pinakabatang COVID-19 survivor, inalala ang pumanaw na anak

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 06:43 PM | Updated as of Jun 04 2020 08:06 PM

Si baby Kobe Manjares nang i-discharge matapos labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19). Pumanaw si Baby Kobe matapos ang komplikasyon sa kaniyang tiyan. Fernando Sepe Jr., ABS-CBN News

MAYNILA - Nagdiwang ang mga health worker sa National Children’s hospital nang ma-discharge si Baby Kobe, ang 16 day old na pinakabatang COVID-19 survivor sa bansa. 

Pero sa kasamaang-palad, hindi nagtagal ang kasiyahan ng mga magulang nang ibalik sa ospital ang paslit noong Mayo dahil sa problema sa tiyan. 

Nakarekober ang sanggol na si Kobe Manjares sa COVID-19, pero dahil lumalaki ang kaniyang tiyan ay nanatili muli siya sa ospital nang halos 1 buwan. 

“‘Yung mga organs nya. Hindi pa fully developed. Maliit po yung bituka kaya hindi po masyadong mailabas ang dumi. Kaya po lumalaki yung tiyan. Tsaka po meron po syang impeksyon sa dugo,” ayon kay Ronnel Manjares, ama ng sanggol.

Watch more in iWant or TFC.tv

At bandang ala-1 ng madaling araw ng Huwebes, binawian na ng buhay ang sanggol, bagay na talagang ikinalungkot ng pamilya. 

Ayon kay Ronnel, pangarap sana niyang maging pulis ang anak. 

“Siyempre po sa akin talaga ay sobrang sakit po, anak ko po iyon eh. Ito po hindi ko alam anong gagawin ko po. Kasi nawala na po ang anak ko. Iniwan na po ako,” mangiyak-ngiyak na pahayag ni Manjares

At ngayon, patuloy pa rin ang problema nilang mag-anak. Wala kasi silang maayos na tirahan at hindi pa makabalik-trabaho si Ronnel dahil walang nag-aalaga sa isa pa nilang anak. 

Bukod pa rito, problema ngayon kung maibuburol si Baby Kobe dahil pinanganak ito sa bahay nila at wala pa silang birth certificate. 

Ayaw din umanong pumayag ng barangay na maiburol ang sanggol dahil akala nila may COVID-19 pa rin ito. 

Ito ay kahit na sinabi na umano ng ospital na hindi na kailangan i-cremate ang sanggol dahil wala naman itong nakakahawang sakit. 

"Mga kapitbahay sana naman payagan n'yo ang anak ko na iburol dito kahit 2 araw lang. Kahit 2 araw lang makita namin, makasama si tutoy dito. Masakit sa amin na mabilis na mawawala sa amin hindi namin makikita anak namin,” ani Manjares. 

Para maibsan ng kaunti ang problema ng pamilya, namigay muli ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya foundation ng food packs sa pamilya ni Ronnel. 

Isinama na rin nila ang 35 pamilya sa barangay na iyon. 

Nangako rin ang Lingkod Kapamilya na tutulong itong maasikaso ang libing ni Baby Kobe, oras na maayos ang gusot sa birth certificate nito. 

— Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.