8,000 pamilya apektado sa calibrated lockdown sa ilang lugar sa Parañaque

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 08:13 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula nang ipatupad ang tatlong araw na reasonable and calibrated lockdown sa 9 na matataong lugar sa Barangay San Dionisio, Parañaque ngayong Huwebes.

Nitong alas-6 ng umaga hanggang sa Hunyo 6 ang lockdown na
sasakop sa sa Tramo Uno at Tramo Dos, pati sa mga lugar tulad ng Lupang Pangarap, Sitio Masigla, Poultry CMPD, Parañaque Homes, Manggahan Wakas, Unified Manggahan at Mary Queen of Peace simula 6:00 ng umaga hanggang sa Sabado.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Parañaque, matindi kasi ang naging pagtaas ng kaso ng novel coronavirus sa mga lugar na ito lalo't mga eskinita lang ang daanan sa pagitan ng mga bahay.

Sa lugar ding ito nagmula ang unang kaso ng community transmission ng coronavirus sa nasabing barangay.

Nasa 26 na command post ang tinayo na sa iba't ibang bahagi ng naka-lockdown na lugar.

Ayon kay Kagawad Majel Co, nasa 8, 000 pamilya ang tinatayang maaapektuhan ng lockdown.

Bawal lumabas ang mga residente bukod sa mga frontliner pero may ilan tulad ng mga empleyado ng barangay na nag-empake na para sa barangay hall muna sila manuluyan.

Bibigyang daan ng lockdown ang testing, rapid at swab, ng mga residente tulad ng ginawa sa Barangay Baclaran na unang sinailalim ang ilang bahagi sa calibrated lockdown noong Mayo.

Sa ngayon, ang Barangay San Dionisio ang pangalawa sa may pinakamaraming active cases sa Parañaque, kasunod ng Baclaran. Tinatayang 40 ang active cases na naitala sa lugar kahapon.

Simula mamayang tanghali, magbibigay ng ayudang pagkain sa kada pamilya ang lokal na pamahalaan.

Nagbigay na rin ng supply ng tubig na panligo sa mga bahagi na walang linya ng tubig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.