PatrolPH

Mag-asawa patay, 3 anak sugatan sa pamamaril sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2019 02:56 AM | Updated as of Jun 04 2019 07:02 PM

MAYNILA (UPDATE) - Patay ang isang mag-asawa habang sugatan ang kanilang 3 anak matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Payatas, Quezon City Lunes ng gabi.

Kinilala ang mag-asawa na sina Jonathan Manuel, isang electrician, at misis na si Jenalyn, isang tindera.

Sugatan ang kanilang 3 anak na may edad 14, 8 at 6.

Ayon kay Police Lt. Col. Joel Villanueva ng Batasan Police Station, pinasok ng hindi pa kilalang salarin ang bahay ng pamilyang Manuel sa Lanzones St. at saka pinagbabaril ang mga biktima.

"Dalawa ang suspek. 'Yung isa naiwan sa motor, isa pumasok sa bahay," aniya.

Nadamay sa pamamaril ang panganay at bunso ng mag-asawa.

"'Yung mga bata ligtas at out of danger na. 'Yung panganay may pumasok na bala sa hita. 'Yung isa tinitignan pa kung ano nakasugat kung bubog o bala," dagdag ni Villanueva.

Aminado ang kaanak ni Jonathan na maraming nakaalitan ang biktima na may kinalaman sa lupa.

"Mana mula sa tiyahin ko. Marami kaaway, inggit po. Sa kabuhayan at bahay po," ani Aileen Candoleta, kapatid ni Jonathan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. - Ulat nina Arra Perez at Ernie Manio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.