Lalaking bagong laya mula sa kulungan, patay sa pamamaril

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2019 09:48 PM

TACLOBAN CITY - Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa Barangay 95-A, Caibaan, Tacloban City Lunes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Jason Cada, residente ng nasabing lugar. Napag-alaman na kalalabas lamang ng biktima mula sa kulungan noong Disyembre.

Kabilang rin si Cada sa listahan ng mga high-value target ng pulisya pero ayon sa ina nito, sumailalim na ito sa rehabilitasyon at iniiwasan na ang bisyo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kararating lang ng biktima sa kanilang bahay. Pagbaba nito sa sasakyan, isang lalaking naka-bonnet ang bumaba rin mula sa isang puting van, lumapit at pinagbabaril ang biktima.

Nagtamo ng 10 tama ng bala ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Agad namang tumakas ang salarin gamit ang nakaabang na puting van.

Patuloy ang pa ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.