Bangkay ng estudyanteng isinilid sa plastic storage box, natagpuan

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2019 06:48 PM

Ipinagkasya ang bangkay ng biktima sa loob ng isang plastic storage box na iniwan sa gilid ng kalsada sa Biñan City sa Laguna. Dennis Datu, ABS-CBN News


Natagpuan sa loob ng isang plastic storage box sa gilid ng kalye sa Biñan City, Laguna ang bangkay ng isang estudyante ng Arellano University, Martes ng umaga.

Ayon kay Police Lt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng Biñan City Police, nakilala ang biktima na si Carl Laurence Demerey, 24-anyos, ng Las Piñas City.

Nakilala siya sa pamamagitan ng mga identification cards, tulad ng school ID.

Miyembro umano ng isang band group ang biktima.

Alas-8 ng umaga nang matagpuan ng tricycle driver ang isang plastic storage box sa gilid ng kalye. 

Tumambad sa kaniya ang bangkay ng biktima nang kaniyang buksan ito.

Inaalam pa kung papaano pinatay ang biktima at kung sino ang mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.