5 tatak ng suka nakitaan ng FDA ng synthetic acetic acid

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2019 05:44 PM | Updated as of Jun 04 2019 07:12 PM

(UPDATE) Limang brand ng suka ang nakitaan ng Food and Drug Administration (FDA) ng synthetic acetic acid. 

Wala umano itong masamang epekto sa kalusugan, pero nangangahulugang "substandard" ang produkto, sabi sa abiso ngayong Martes ni Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo, na siya ring officer-in-charge ng FDA.

Watch more in iWant or TFC.tv

Mula sa 39 sample ng suka na isinailalim sa pagsusuri, 5 brand ang may synthetic acetic acid o hindi dumaan sa fermentation, ayon sa abiso.

Kasama sa mga brand ang Surebuy Cane Vinegar, Tentay Pinoy Style Vinegar, Tentay Premium Vinegar, Tentay Vinegar Sukang Tunay Asim, at Chef's Flavor Vinegar. 

Sinabi sa abiso na walang masamang epekto sa kalusugan ang synthetic acetic acid sa suka pero nangangahulugang "substandard" ang kalidad ng mga produkto.

Nangako rin ang ahensiya na sisilipin ang mga pasilidad ng mga manufacturer ng mga nabanggit na brand.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Domingo na posibleng madagdagan pa ang mga brand sa listahan ng pekeng suka.

Pinayuhan din ni Domingo ang mga manufacturer na boluntaryong bawiin ang kanilang mga produkto sa merkado. 

Isinagawa ng FDA ang pagsusuri kasunod ng pag-aaral na isinagawa ng Philippine Nuclear Research Institute, kung saan lumabas na 80 porsiyento sa 360 sample ng sukang kanilang sinuri ay synthetic acetic acid at hindi gawa sa mga natural na sangkap.

Kinuhanan ng ABS-CBN News ng reaksiyon ang Tentay Food Sauces Inc. pero hanggang ngayon ay hindi pa sila nagbibigay ng opisyal na pahayag.

Sinusubukan na ring kontakin ang mga manufacturer ng Surebuy Cane Vinegar at Chef's Flavor Vinegar.

-- May ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.