Mga trabaho sa Taiwan, bukas para sa mga Pinoy

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2017 05:17 PM | Updated as of Jun 05 2017 01:42 AM

Tiyak na trabaho ang naghihintay sa panibagong grupo ng mga Pinoy na nakapasok sa programang Special Hiring Program for Taiwan (SHPT) ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). 

Nakatakdang bumiyahe papuntang Taiwan ang 26 na Pilipinang nabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa ibang bansa.

Ang SHPT ay isang 'government to government' na programa ng POEA. Ibig sabihin, dahil direkta ang recruitment sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan, hindi na kailangang dumaan ng mga aplikante sa isang recruitment agency.

Gumagamit ang SHPT ng isang online recruitment system upang mapabilis ang proseso para sa mga aplikante sa sektor ng manufacturing, construction, at pagiging kasambahay.

Maaaring magpasa ng application sinuman basta pasok sa kwalipikasyon at nagtataglay ng mga kinakailangang dokumento.

Sa tulong ng programang ito, aabot na sa 6,000 Pinoy ang nabigyan ng trabaho mula noong 1995.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.