PatrolPH

Mga patay na isda lumutang sa ilog sa Lucena City

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2023 04:33 PM

Laking gulat ng mga residente malapit sa Iyam River sa Barangay 5, Lucena City matapos magsipaglutangan ang mga patay sa na isda sa ilog nitong Biyernes ng umaga.

 Ayon sa mga residente, dakong alas 10:00 ng umaga nang mapansin nila ang mga nagsisipaglutangang mga isda na karamihan ay mga tilapia.

Pinagkaguluhan ito ng mga residente at hinuli ang mga lumulutang na buhay pa.

Marami sa mga patay ng isda ang inanod na lang ng tubig.

Hinala ng mga residente, dulot ng mainit na panahon ang nagyaring fish kill.

Ayon naman sa iba, dahil anya sa kontaminado at polluted na tubig kaya nagkakaroon ng fish kill at hindi na anya ito iisang beses nangyari sa ilog.

Ayon sa mga ito, sa mga naunang kaso ng fish kill ay may naamoy muna silang mga amoy ng masangsang na kemikal mula sa tubig ng ilog.

Samantala, sinusuri na ng mga tauhan ng BFAR Region IV-A Provincial Fisheries Office ng Quezon ang mga namatay na isda.

Kumuha na rin ng sample ng tubig ang mga ito para alamin kung may lason o kemikal na naging sanhi ng pagkakaroon ng fish kill.

Pinayuhan din ng BFAR ang mga residente na huwag ibebenta at kakainin ang mga nakuhang mga patay na isda lalo na at hindi pa tiyak kung ano ang dahilan ng paglulutangan ng mga ito. Ulat ni Ronilo Dagos

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.