MAYNILA -- Inaresto ang isang lalaking Chinese matapos makabangga ng SUV sa Bonifacio Global City sa Taguig Sabado ng madaling-araw.
Pinaghihinalaang nakainom ang Chinese na tumangka pang tumakas ayon sa rumisponde.
Kuwento ng BGC marshall na si Renato Bautista Jr., nag-iikot siya bandang alas-2 ng madaling-araw nang makita sa 7th Avenue ang banggaan ng asul na kotse at SUV.
Sabi ng driver ng nabanggang SUV na tumangging ipakilala, biglang lumabas ang sasakyan ng Chinese bago siya nabangga.
“Naka-preno ako eh tapos pagka-preno ko nakita ko na siya eh parang slow mo nakita ko na yun binangga niya ako derecho kaya nawala ako sa linya kasi sa sobrang impact," sabi ng driver.
"Basta nagblangko lang siguro paatras na siya eh tas di pa nga ako nakakalabas eh buti nga tapos mga ilang minutes pa ako nakalabas."
Agad rumesponde ang pulis ng Fort Bonifacio Sub Station 1.
Naabutan nila ang Chinese na driver ng asul na kotse na nagwawala sa labas ng sasakyan at sinuntok ang hood nito kaya naman agad siyang pinosasan.
“Nag-attempt pa po siya na gusto niya tumakas," sabi ni Bautista.
"Hindi siya matinong kausap lasing na lasing po eh amoy alak po talaga kaya sobrang lango siya sa alak hindi siya makausap ng matino.”
"Nakita namin ano po siya nakainom medyo napasigaw, nagsisigaw-sigaw siya ngayon kailangan namin siyang posasan," sabi ni Police Cpl. Sherwin Alupani ng Southern Police District Tactical Motorcycle Riding Unit.
Hindi naman makasagot ng maayos ang Chinese nang makapanayam siya.
Paulit-ulit niyang sinabi ang "I love Filipino."
Wasak ang harapan ng SUV sa tindi ng tama nito at kinailangan pang i-tow ito dahil hindi na ito mapaandar.
Mas maliit naman ang pinsala ng ang asul na kotse kumpara sa SUV.
Dinala sa ospital ang suspek para sa medical examination at possibleng makasuhan ng paglabag sa RA 10856 o Anti Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
-- Ulat nin Champ De Lunas, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.