Sa kabila ng pandemya, naitawid ng Department of Education (DepEd), katuwang ang stakeholders, ang paglulunsad ng kauna-unahan nitong long-term development plan na tatawaging Basic Education Development Plan (BEDP) 2030.
Laman nito ang mga plano at estratehiya para makaagapay ang education system ng Pilipinas sa mga hamon ng panahon kagaya ng COVID-19 pandemic.
Layon din nito na makasabay ang sistema ng edukasyon sa takbo ng panahon at ng teknolohiya.
Sa talumpati ni DepEd Secretary Leonor Briones, sinabi niyang kailangan agad matugunan ang lahat ng nakakaapekto sa education system gaya ng hamon ng pandemya.
Aminado ang ahensya na nabigla ang lahat sa pandemya at matinding adjustment ang kinailangang gawin para sa edukasyon ng mga bata.
Online at modular setup ang naging sagot kung saan nagkaroon pa rin ng mga problema.
Kaya sa BEDP 2030, tinitiyak na mabilis na makakaagapay ang education system sa anumang bagong hamon o problema.
Blueprint anila ito ng future basic education na dekalidad, kung saan 4 na haligi nito ang quality, access, equity at governance tungo sa pagbangon o learning recovery.
Tinitiyak din sa BEDP 2030 na walang batang maiiwan at lahat ay may access sa edukasyon.
Ayon kay DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan, bahagi ng estratehiya ng programa ang pagbibigay ng mga sapat na training sa mga guro. “If we're talking about the quality of education, foremost of that is the professional development of our teachers. So it is being upgraded through training programs natin and upgrading of facilities natin tsaka yung learning environment,” aniya.
Suportado ng stakeholders ng DepEd ang BEDP 2030 dahil ito anila ang magiging sagot sa kinabukasan ng mga mag-aaral kung saan kailangan silang makasabay sa advancement ng edukasyon.
Ayon naman kay Senate Committee Chairman on Basic Education Sen. Sherwin Gatchalian, ang edukasyon ay mahalagang aspekto ng buhay ng bawat Pilipino at karapatan ito ng bawat isa, pero may mga hamon aniya na dapat tulong-tulong harapin ng bawat isa.
Samantala, pinakamahalagang aspekto ng development plans ay ang budget ng ahensya.
Sabi ni Gatchalian, 20 porsiyento ng national budget ay nakalaan para sa edukasyon pero sa ngayon ay nasa 12 porsiyento pa lang ang nailalaan sa ahensya.
Kaya naniniwala ang senador na malaking bagay ang pagkakatalaga kay Vice President-elect Sara Duterte para pangasiwaan ang DepEd at ipatupad ang development plans ng ahensya: “Malaki ang kanyang boses sa paghihingi ng pondo at pwede niyang i-justify yun using her political capital, using her clout that education sector, particularly basic education, will require 20% of our national budget.”
Bahagi rin ng development plan ang pagbibigay ng gadgets sa mga estudyante lalo na kung hindi pa 100 porsiyentong ipinatutupad ang face-to-face classes.
Sabi ni Malaluan, ibabase sa magiging alert level ng bansa ang sistema ng face-to-face classes sa susunod na school year.
Sa ngayon kasi ay nasa 70 porsiyento pa lang ang face-to-face classes at dapat umanong mapanatili ang protocols sa pagpapatupad nito dahil may pandemya pa rin.
Nangako rin sila na titiyaking maaayos na ang mga libro at modules sa mga susunod na school year.
Para sa patapos na administrasyon ng DepEd, isang legacy para sa kanila na ipasa sa susunod na kalihim ang BEDP 2030 dahil ang vision anila nito ay maiangat pa ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas sa gitna ng mga hamon.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
DepEd, Basic Education Plan 2030, education, COVID, COVID-19 pandemic, Tagalog news