Ginawang eco-bricks ang mga campaign materials na nakolekta sa Lipa.
MAYNILA — Imbes na itambak sa landfill, napakinabangan pa ng mga taga-Lipa, Batangas ang mga plastic campaign materials na ginawang eco-bricks sa kanilang lungsod.
Nitong Mayo 15, binaklas ng mga miyembero ng Junior Jaycees at Boy Scouts of the Philippines-Lipa City Council ang mga poster at tarpaulin ng mga kandidato sa kanilang lugar.
Umabot sa 6-8 garbage bags ng campaign materials ang nalikom nila.
Nitong Mayo 20, inumpisahan nilang gawing eco bricks ang mga nakolektang materyales.
Makikita sa larawang ito ang ilan sa mga eco-brick na nagawa mula sa mga binaklas na poster at tarpaulin.
Nakipag-ugnayan sila sa Lipa City Environment and Natural Resources Office at Batangas State University para magamit ang kanilang materials recovery facility.
"Tinuruan po kami ng ahensya na ito na gumawa ng eco-bricks. Iitinuro po nila ang paraang ng paggawa, mula sa shredding process ng mga election tarpaulin, paghahalo ng shredded tarpaulin sa semento, buhangin at tubig na may saktong measurement po, hanggang sa paghuhulma ng bricks at pagbubuo po nito," ayon kay Bayan Patroller Jeric Mainot.
Higit 60 ang nagawang eco bricks nila at gagamitin ito sa local projects ng Lipa City.
KAUGNAY NA ULAT: