Ini-lockdown ngayong Huwebes ang isang kalsada sa Barangay Matandang Balara, Quezon City dahil sa dami ng kaso ng COVID-19.
Umakyat sa 56 ang nagpositibo sa COVID-19 sa mga dumalo sa pamimigay ng ayuda ni Quezon City Franz Pumaren sa barangay noong nakaraang linggo. Sa bilang na iyon, 14 ay galing sa Lagoon Street, na isinailalim sa lockdown.
May ilang mga residenteng nagpupumilit na makalabas, kasama ang 63 taong gulang na si Sotero Dizon.
Ayon kay Sotero, fully vaccinated na siya at kailangan ding lumabas para bumili ng gamot para sa kaniyang hika.
Sa huli, walang nagawa si Sotero dahil hindi naman exemption ang nabakunahan para makalabas sa lockdown area.
Mahigpit namang nagbilin ang Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit na huwag munang palabasin ang 160 residente ng Lagoon Street dahil sa 14 na positibo sa COVID-19.
Pinapayagan namang lumabas ng lockdown area ang mga authorized person outside residence at health worker pero bawal na silang pumasok muli.
Bibigyan naman ng lokal na pamahalaan ng pagkain ang mga na-lockdown na residente.
Dahil sa insidente, naglabas ng guidelines ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa organizer ng mga aktibidad tulad ng community pantry.
Kasama rito ang pagbibigay ng abiso sa Quezon City Department of Public Order and Safety ukol sa aktibidad 5 araw bago ito isagawa, pagpapatupad ng crowd control measures, at pagtala ng bawat benepisyaryo para mas madali ang contact tracing.
Ayon sa lokal na pamahalaan, sa 6,000 dumalo sa community pantry ni Pumaren, 700 pa lang ang nagpapa-test, kaya patuloy ang panawagan sa mga pumila sa paayuda na magpa-swab para hindi kumalat lalo ang COVID-19.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, metro, metro news, Quezon City, Covid-19, Matandang Balara, lockdown, community pantry, Franz Pumaren