PatrolPH

Bagong BIR policy sa mga pribadong paaralan, dapat bawiin: senador

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2021 02:22 PM

MAYNILA - Dapat bawiin ng Bureau of Internal Revenue ang ipapataw nitong 25 porsyento na buwis sa mga pribadong paaralan, ayon sa isang senador nitong Huwebes.

Reaksiyon ito ni Senator Sonny Angara sa revenue regulation ng BIR na nagpapataw ng 25 porsyentong corporate income tax sa mga pribadong paaralan.

Sa naturang regulasyon, kinansela ng BIR ang 1-percent rate na inaprubahan ng Senado bilang “pandemic rescue package” sa ilalim ng pinagtibay na CREATE (Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises) Law.

Ayon kay Angara, nagsumite na siya ng panukalang batas para maitama ang interpretasyon ng tax code.

Dapat din aniyang mag-usap ang BIR at Department of Finance sa issue.

Sabi ni Angara, isa sa mga malubhang naapektuhan ng pandemic ang mga paaralan kaya dapat maging sensitibo sa mga ipinatutupad na polisiya at huwag silang pahirapan.

Una rito, nagpapasaklolo sa Senado ang Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) laban sa regulasyon na inilabas ng BIR.

Ayon kay COCOPEA managing director Joseph Noel Estrada, pabigat sa private education sector ang ipapataw na dagdag na buwis ng BIR, lalo na’t marami ang naapektuhan at ang ilan ay nagsara na dahil sa mababang enrollment epekto ng pandemya.

KAUGNAY NA BALITA

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.