Tawid-LGU puwede na sa Metro Manila GCQ: DILG official

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 06:56 PM | Updated as of Jun 03 2020 09:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government na pinapayagan na ang pagtawid sa ibang siyudad sa ilalim ng general community quarantine sa Maynila. 

Kasunod ito ng kalituhan umano na nangyari matapos sabihin ng isang opisyal ng Philippine National Police - isang attached office ng DILG - na bawal pa ring tumawid sa ibang siyudad. 

Ayon kay DILG spokesperson Jonathan Malaya, ito ay para maging mas maayos ang galaw ng tao ngayong may general community quarantine. 

“Puwede po ang tawid-LGU... Regardless kung anuman ang dahilan mo kaya nga tayo nag-GCQ para maging maayos na ang mobility ng mga tao. 
Paano natin mapapatakbo ulit ang ekonomiya kung hihigpitan mo naman ang pagkilos ng mga tao?” ani Malaya. 

Sa panayam sa DZMM, sinabi umano ni COVID-19 Joint Task Force Shield chief Guillermo Eleazar na bawal ang tawid-LGU. 

“Kung mago-grocery ka lang, pwede namang diyan na lang sa LGU mo wag ka na pumunta sa ibang LGU,” ani Eleazar. 

Sa ilalim ng general community quarantine, hindi na kailangang gamitin ang quarantine pass maliban na lang kung hihigipitan ang lockdown sa ibang lugar. 

Nilinaw ni Eleazar na kailangan ang “travel authority” kapag lalabas at papasok ng Metro Manila. 

Ang PNP-Highway Patrol Group, sinisilip pa rin kung awtorisadong lumabas ang mga tao sa ilalim ng GCQ. 

Kahit mas maluwag na ang lockdown, paalala ni Malaya, dapat isaalang-alang pa rin ang health measures. 

— Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.