Taguig, San Juan nagtakda ng kani-kanilang bike lanes

Bianca Dava, Jerome Lantin at Jeck Batallones ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 02:28 PM | Updated as of Jun 03 2020 08:29 PM

MAYNILA (UPDATE) — Naglunsad ngayong Miyerkoles, kasabay ng World Bicycle Day, ang mga lokal na pamahalaan ng San Juan at Taguig ng bike lanes sa ilang kalsada sa kanilang mga lungsod.

Mas marami nang tao ang gumagamit ngayon ng mga bisikleta bilang paraan ng transportasyon, lalo at nananatiling bawal pa rin ang mga pampublikong bus at jeep sa Metro Manila kahit nasa ilalim na ito ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ).

Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, ang phase 1 ng bike lanes ay mula N. Domingo Street hanggang Ortigas Avenue, na may habang 4.21 kilometro.

Dumadaan ang bike lane sa ilang pangunahing pasilidad at tanggapan sa lungsod tulad ng San Juan Medical Center at San Juan City Hall.

Layon ng bike lanes na protektahan ang mga frontliner at balik-trabaho na gumagamit ng bisikleta.

"We are now procuring bollards na ima-mount talaga. For now, we're just using barriers and paint," ani Zamora.

Inanunsiyo rin ni Zamora na bibili ang city government ng 100 bisikleta para sa city hall employees.

Sinabihan naman ni Zamora ang ibang motorista na iwasan ang bike lanes.

"We have to respect the bike lanes. We will have enforcers manning the entry points of bike lanes," ayon sa alkalde.

TESTING SA TAGUIG

Sa Taguig, nagtakda ng bike lanes sa Cayetano Boulevard at Bayani Road, habang ni-renovate naman ang bike lane sa may C-6 Road.

Pero titingnan pa muna ng lokal na pamahalaan kung ayos para sa mga nagbibisikleta papasok ng kanilang mga trabaho ang bike lanes bago gawing permanente ang mga ito.

Ipinasa ng city government noong Hunyo 1 ang "Bike-Friendly Taguig Ordinance," na nagsasaad ng mga karapatan at obligasyon ng mga siklista sa lungsod.

Binuo rin ng lokal na pamahalaan ang Active Transport Study, na magsasagawa ng pag-aaral sa kung paano maisusulong ng Taguig ang paggamit ng bisikleta sa mga residente nito.

Balak din ng city government, city health office at barangay health centers na maglunsad ng mga programang layong magpahiram ng bisikleta sa kanilang mga empleyado.

Nakikipag-usap na rin ang lokal na pamahalaan sa mga mall at iba pang establisimyento na maglagay ng bike racks para sa kanilang mga empleyado at kostumer.

Maging ang Taguig police ay hinihikayat nang gumamit ng mga bisikleta.

Magpo-post kada buwan ang Taguig city government sa kanilang official Facebook page ng "bike-friendly map," tampok ang bike lanes sa lungsod.

Watch more in iWant or TFC.tv

QUEZON CITY

Samantala, iginiit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mayroon silang planong magtayo ng bike lanes sa EDSA at Commonwealth Avenue.

Ito ay matapos alisin ng ahensiya ang improvised bike lane na binuo ng isang advocacy group sa Commonwealth Avenue gamit ang plastic bottles at marshalls.

Base sa plano, ilalagay ang elevated bike lane sa bangketa, ayon kay MMDA Assistant Secretary Celine Pialago. Lalagyan din umano ito ng mga ilaw.

Agad sisimulan ang konstruksiyon ng bike lane, na inaasahang tatagal nang isang buwan, sa oras na maaprubahan ang budget.

Samantala, plano ng Quezon City government na i-develop ang bike lane na may habang 161 kilometro para maproteksiyunan ang mga siklista at mahikayat ang iba na gumamit ng bisikleta bilang sagot sa kakulangan sa public transportation.

OPSIYON NG TRANSPORTASYON

Naniniwala naman ang grupong EDSA Evolution na magiging bago nang opsiyon ng transportasyon ang bisikleta para sa maraming Pinoy kahit pinayagan nang pumasada ulit ang mga train, augmentation bus, taxi at tricycle sa ilalim ng GCQ.

Ang EDSA Evolution ay isang grupong nagsusulong ng bike spaces. Nakipag-partner din ang lokal na pamahalaan ng San Juan sa grupo.

"Karamihan sa mga nagba-bike ngayon, sinabi nilang magba-bike pa rin sila kahit dumating ang mass transport," ani Keisha Mayuga ng EDSA Evolution.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.